December 19, 2009

Aling Lina


Naghihintay ako noon sa terminal ng bus. May mahigit isang oras pa bago ang aking takdang biyahe pabalik ng Quezon City. Kumakagat sa aking balat ang lamig ng gabing iyon.

Naisipan kong tumambay sa isa sa napakaraming bakanteng lamesang pangkain sa ikalawang palapag ng istasyon. Kumpara sa ibaba, bahagyang mainit-init ang temperatura sa taas. Sapat na para masiguradong hindi magngangalit ang aking sinus. Mangilan-ngilan lamang ang taong naroroon. Siya namang aking kinatuwa... ang namnamin ang katahimikan.

Ilang minuto rin akong nakaupo, pilit na nililibang ang aking sarili sa paghihintay. Maya-maya pa'y, may matandang Ale na may bitbit na malalaking supot sa isang kamay at karton sa kabila ang pangiting lumapit sa aking kinauupuan. Kinabahan ako nang kaunti, hinagkan ko kaagad ang aking backpack at supot na puno ng pasalubong. Paranoid na kung paranoid. Mabuti nang sigurado.

"Pwede ba akong umupo dito?" ang sambit ng matanda. Tumingin muna ako sa paligid. Marami namang bakanteng upuan, bakit napili pa nyang tumabi sa akin? Sa malayo, tanaw ko na naroon ang security guard. Medyo napayapa ang aking kalooban. Nakuha kong ngumiti sa Aleng noo'y pumopostura nang ilatag ang kanyang bitbit na karton sa bakal na upuan sa aking harapan bago ko pa man ibigay sa kanya ang aking permiso. Yakap ko pa rin nang mahigpit ang aking mga kagamitan.

"Dito na lang ako ha? Para may kasama ako. Maaga pa kasi ako bukas sa simbang gabi, malayo pa ang bahay ko. Dito na lang ako matutulog." Pabulong na sabi sakin ng matanda, sabay panakaw na tumingin sa gwardya sa kanyang likuran. "Kilala na kasi ako ng mga yan. Baka paalisin nila ako..." At ngumuso syang muli sa sekyu na noo'y tila wala namang kamalay-malay na sya ang pinatutukuyan ng matanda. Noo'y naintindihan ko na kung bakit sya may bitbit na karton. Malamig ang bakal na upuan. Baka sipunin ang matanda sa magdamag kung hindi niya ito lalatagan ng karton.

Mukha naman siyang mabait at disente sa suot niyang animo'y scrub suit na pinatungan ng ginantsilyong sweater. Sa kanyang pag-upo, pinansin pa nga niya ang mga kuko ko sa paa. Ang puti-puti raw. Naka-sandalyas lang kasi ako noon. Ang hindi nya alam, puting-puti na ang mga kuko ko sa sobrang ginaw sa Baguio! Nakakatawa. Tinanong niya kung anong ginagawa ko doon. Mayroong pagkamangha ang kanyang mukha nang malaman niyang nagbakasyon lang ako nang ilang araw doon. Tinanong niya ang edad ko, sabay may pambobolang sinabing mukha lang daw akong disi-otso. Unti-unti, gumaan ang loob ko sa kanya. :)

Ngumiti ako at naglakas-loob na makipagkwentuhan. Wala na rin naman akong magagawa. Nakaupo na ang Ale sa aking harapan na noo'y abala sa pag-ayos ng kanyang mga bitbit na kagamitan. Ilang minuto na lang naman. Malapit na ang pag-alis ko.

Siya si Aling Lina. Isang fish cracker vendor. Dalawang malalaking supot ng fish crackers ang dala-dala niya. Bagama't hindi niya sinabi, batid kong layon niyang magbenta sa may katedral sa mga susunod na araw ng simbang gabi na magsisimula kinabukasan. Mag sisingkwenta'y otso na raw siya sa darating na Marso. Taga-Pampanga, matandang dalaga at wala na rin halos kapamilya.

Napunta ang aming usapan sa simbang gabi. Nabatid niya na hindi ako Romano Katoliko. Na siya namang naging umpisa ng kanyang pagtatanong tungkol sa aking relihiyon. "Isa po aking Baptist, parang Born Again." Medyo nahalata kong umasim nang kaunti ang kanyang mukha. Nagpatuloy siya sa pagtatanggol ng kanyang pananampalataya. Hinayaan ko lang siyang magsalita. Ngunit sa loob-loob ko, taimtim akong nagdarasal. Na mapaunawa sa kanya ang aking pinaniniwalaan. Handa naman ako. Ngunit, hindi pa siya handa. Marahil, napaso na siya nang ilang beses. Paranoid na baka yakagin ko siya. Kaya't nakuntento akong pasundot-sundot na ipaliwanag sa kanya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng relasyon sa Diyos. Sa huli, ramdam ko ang pagbukas ng loob niya sa akin. Kahit kaiba ako sa kanya.

Humikab si Aling Lina at nagpaalam na matutulog na siya. Walang atubiling humiga ang matanda sa kanyang kinauupuan. Pinaalam ko sa kanya na sa ilang minuto ay aalis na rin ako. Ilang sandali pa'y, mahimbing nang natutulog si Aling Lina. Naiwan muli akong nakaupong mag-isa. Sa harap ko nahihimbing ang bagong kaibigan. Inisip kong iwanan siya ng pagkain, kaunting alaala mula sa bagong kaibigan. Mayroon akong Fita noon. Natawa ako nang maisip ko yung komersyal sa TV tungkol sa diwatang nagpanggap na pulubi. Pabiro kong inisip na ibibigay ko ang buong balot baka sakaling diwata nga si Aling Lina at pagkalooban niya ako nang Jaguar. :) Sa huli, iniwan ko ang sandwich na pinabalot ko mula sa huling restawran na pinagkainan ko ng hapunan. Kalakip ang isang sulat at isang munting babasahin (gospel tract) para kay Aling Lina. Hindi ko sigurado kung nakakapagbasa si Aling Lina. Maari. Maaring hindi. Ngunit puspos akong nagdasal na sana sa kahit ganoong paraan, makakilala si Aling Lina kay Kristo, kagaya ng pagkakakilala ko sa Kanya. :)

Nasa alaala kita ngayong Pasko Aling Lina. Hanggang sa muling pagkikita. :)

8 comments:

ebbie said...

so proud of you for writing in straight nosebleed Filipino... mabuhay ka, ebbie! :) i'll be praying for Aling Lina with you tonight.. :)

ebbie said...

so proud of you for writing in straight nosebleed Filipino... mabuhay ka, ebbie! :) i'll be praying for Aling Lina with you tonight.. :)

ebbie said...

so proud of you for writing in straight nosebleed Filipino... mabuhay ka, ebbie! :) i'll be praying for Aling Lina with you tonight.. :)

ebbie said...

so proud of you for writing in straight nosebleed Filipino... mabuhay ka, ebbie! :) i'll be praying for Aling Lina with you tonight.. :)

ebbie said...

ooops, sorry... kala mo tuloy dami mong comments no? hehe... :D

the midnight muser said...

haha! oo nga! ikaw lang pala! ;p
thank you for reading my first ever nosebleed entry in filipino. :)

please feel free to read my other entries! haha! :)

merry Christmas effie!

skye said...

*nosebleed*

pero ngumiti puso ko. :)

Anonymous said...
This comment has been removed by a blog administrator.